
ILAGAN CITY (Mindanao Examiner / Dec. 13, 2012) – Nalalagay ngayon sa balad ng alanganin ang isang Philippine Army brigade commander matapos itong sibakin sa kanyang pwesto makaraang mamatayan ng 7 sundalo at 8 sugatan sa isang ambush ng New People’s Army.
Kinilala ni Col. Loreto Magundayao, Jr., hepe ng Civil Military Operations Battalion ng 5th Infantry Division, ang sinibak na opisyal na si Col. Eduardo Collado, ang pinuno ng 502nd Infantry Brigade.
Sinabi nitong may isinasagawang imbestigasyon sa naturang ambush upang mabatid kung ano ang naging lapses ng militar. “In military parlance, he (Collado) has been given (rest and recreation) pending the result of the investigation in connection with the encounter,” ani Magundayao.
Naganap ang ambush sa kabundukan ng Barangay Mabbayad sa bayan ng Echague at kasama sa mga nasawi ay isang tinyente mula sa Bukidnon province sa northern Mindanao.
Si Brig. Gen. Arnulfo Marcos, ang deputy commander ng 5th Infantry Division, ang pansamantalang hahawak sa naiwan na brigade ni Collado. (Francis Soriano)