‘Pangulo, pinayagan na mangisda ang China sa loob ng bansa’
TULUYAN NG kinampihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang China sa patuloy na pagtatanggol nito sa mga banyaga sa kabila ng kaliwa’t-kanang batikos mula sa publiko dahil sa malamya nitong pahayag ukol sa Recto Bank incident na muntik ng ikalunod ng 22 mangingisdang Pinoy doon kamakailan lamang.
Binangga ng isa umanong Chinese maritime militia ang trawler ng mga Pinoy habang naka-angkla ito sa Recto Bank o Reed Bank na nasa teritoryo ng Pilipinas.
Mabuti na lamang at nailigtas ng isang Vietnamese fishing boat ang mga Pinoy matapos na makahingi ng tulong ang 2 sa mga mangingisda. Iginiit pa ni Duterte na isa lamang aksidente ang pagbundol ng Chinese boat sa Pinoy trawler na “Gen-Ver 1” at paulit-ulit na sinasabi na walang kakayahan ang bansa na makipag-giyera sa China kung kaya’t pabayaan na lamang ito.
Ngunit hindi naman kailangan makipag-giyera ang bansa sa China at sa halip ay dapat idulog sa United Nations (UN) at sa ASEAN ang pangaabuso, pagnanakaw ng yaman-dagat at pagpasok ng mga Chinese maritime militias at Chinese Coast Guard sa teritoryo ng Pilipinas.

Pinayagan na ngayon ni Duterte ang China na mangisda sa Recto Bank dahil kaibigan umano nito ang naturang bansa. Hindi naman makapaniwala ang mga maraming mangingisdang Pinoy sa naging desisyon ni Duterte na payagan ang mga dayuhan sa loob ng teritoryo ng bansa sa halip na itaboy ang mga ito dahil sa ilegal nilang gawain. Bukod sa ilegal na nangingisda ang China sa karagatan ng bansa ay ninanakaw rin nito ang mga dambuhalang taklobo o Giant Clams at sinisira ang malawak na corals.
Tahasan naman ang naging pahayag ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio bilang reaksyon sa pagpayag ni Duterte na mangisda ang China sa loob mismo ng Exclusive Economic Zone ng ating bansa, partikular sa West Philippine Sea. At maging ang UN ay kinikilala ang teritoryo ng Pilipinas sa naturang lugar, ngunit ayaw naman itong kilalanin ng China at iginiit na sa kanila ang mga isla at karagatan doon kahit na nasa loob ito ng ating bansa.
“The Philippines has exclusive sovereign right to exploit all the fish, oil, gas and other mineral resources in its Exclusive Economic Zone. This sovereign right belongs to the Filipino people, and no government official can waive this sovereign right of the Filipino people without their consent,” ani Carpio.
Ang pahayag ni Carpio ay ayon rin sa Article X, Section II ng Saligang Batas na nagsasaad: “The State shall protect the nation’s marine wealth in its archipelagic waters, territorial sea, and exclusive economic zone, and reserve its use and enjoyment exclusively to Filipino citizens.”
Ayon pa kay Carpio, ang UN mismo sa 2016 arbitral ruling nito ay nagpatunay na ang Recto Bank ay nasa teritoryo ng Pilipinas. “The arbitral tribunal at the Hague has ruled with finality the Philippine has jurisdiction over its Exclusive Economic Zone in the West Philippine Sea, including the Reed Bank,” wika pa ni Carpio sa pahayag nitong inilabas ng CNN Philippines.
Sinabi naman ni Jay Batongbacal, ang director ng University of the Philippines-Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, na maaaring ma-impeach si Duterte dahil sa kanyang pagpayag na mangisda ang China sa karagatan ng Pilipinas na dapat sana ay ekslusibo sa mga Pinoy. “Kung mangyari po iyon, i-implement nila iyan dahil sa statement ng Pangulo, puwede po siyang kasuhan ng impeachment,” ani Batongbakal sa kanyang pahayag sa ABS-CBN.
“Talagang inuubos po nila hindi lang iyung isda, kundi pati tirahan ng isda, iyung mga coral reef talagang pinupulbos nila at ginagamit nila iyung mga dead clams. Pag ganyan, malamang maubos lahat ng pangisdaan sa Pilipinas, basta pumasok po sila kasi ganoon na nga ang nangyari sa coastal areas ng China. Kaya sila napupunta rito, kasi inubos nila ang living resources sa sarili nilang coastline,” dagdag pa nito. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read And Share Our News: https://www.mindanaoexaminer.com
Mirror Site: https://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
Media Rates: https://mindanaoexaminer.com/ad-rates