KIDAPAWAN CITY – Ibinunyag ni city legal counsel Atty. Christopher Cabelin na ilang mga taga-gobyerno ang benepisyaryo ng P2 Milyung project ng Department of Agriculture.
Ito ang lumabas sa isinagawa nilang special oversight committee upang alamin, siyasatin at tukuyin ang mga proyektong pumapasok sa Kidapawan City Government.
Napag-alaman na bumuhos ng P2 milyung pondo ang Kagawaran ng Pagsasaka sa Diamond Agri-Ventures Farmers Association (DAVFA), Inc. para sa poultry project na idadaan sa City LGU.
Sa isang kalatas, napag-alaman na karamihan sa mga miyembro at Board of Trustees ng DAVFA ay halos mga kawani sa ilalim ng opisina ni Vice Mayor Jun Piñol.
Giit ni Cabelin na idinaan umano ang proyekto sa city LGU dahil sa walang kakayahan ang DAVFA na ma account ang pondo.
Samantala, agad namang sinagot ni DAVFA Vice President Melencio Lambac ang mga alegasiyon sa kanilang association.
Sinabi ni Lambac na wala umano siyang nakikitang ‘conflict of interest’ sa pag buo ng mga empleyado ng city LGU ng assosasiyon upang makakuha ng tulong sa kagawaran.
Bwelta pa nito na hindi ito ang unang pagkakataon na hinarang ni Mayor Joseph Evangelista ang Proyekto ng DA.
Aniya pa, may mga dinownload na budget ang ahensiya na hindi naman mga empleyado ng gobyerno ang benepisyaryo pero dahil hindi natukoy na kaalydo ng kasalukuyang administrasiyon ay hinarang din umano ng alkalde.
Para kay Lambac, napulitika lamang umano sila kaya agad na nagbuo na oversight committee si JAE, gayung marami naman umano proyekto ang pumasok sa city LGU na hindi naman dumaan sa oversight committee. Rhoderick Beñez