ZAMBOANGA CITY – Sa ikalawang pagkakataon ay muling umapela ang ina ng isang Pinoy driver kay Pangulong Aquino na tulungan silang iligtas ang buhay nito matapos na mahatulan ng kamatayan sa Malaysia dahil sa kasong drug trafficking.
Sinabi ni Teresita Quijano, 78, na inosente ang anak nitong si Jerry, 44, na nahulihan ng 759 gramo ng shabu ng ito’y dumating sa Kota Kinabalu Airport sa Sabah noong Abril 3, 2008. Ayon sa ina, ipinadala lamang sa kanyang anak ang package na may laman shabu at hindi umano nito alam na droga ang laman nito.
Hindi naman sinabi ng ina kung sino ang nagpadala ng package kay Jerry na nahatulan ng kamatayan noong 2010.
Ibinasura na rin korte sa Malaysia noon 2012 ang apela ng mga abogado ni Jerry at ngayon ay naghihintay na lamang kung kalian itatakda ang kanyang kamatayan sa Penjara Kapayan Jail sa Kota Kinabalu.
Noon 2013 ay umapela na rin si Teresita kay Pangulong Aquino at Bise Pangulo Jejomar Binay, ngunit wala umano itong nakuhang tugon.
Mahigpit ang batas ng Malaysia sa ilegal na droga at maraming mga Pilipino ang ngayon ay nasa ibat-ibang bilanguan dahil sa kasong droga.
Kamakailan lamang ay isang Pinay rin ang nahulihan sa Hong Kong International Airport ng halos 2 kilo ng hinihinalang cocaine at maaaring makulong ito ng habang buhay at magbayad ng multang HKD 5 milyon. Walang death penalty sa Hong Kong na dating nasa British rule matapos na alisin ang capital punishment doon noong 1993.
Bagama’t hindi agad inilabas ng mga awtoridad sa Hong Kong ang pangalan ng 29-anyos na Pinay ay nabawi umano sa kanya kamakalawa ang apat na pakete ng cocaine na itinago sa lining ng kanyang shoulder bag.
Galing sa Maynila ang Pinay, ngunit hindi naman mabatid kung saan nito nakuha o sino ang nagbigay ng droga sa kanya at kung paano ito nakalusot sa inspeksyon sa Ninoy Aquino International Airport.
Nagduda umano ang mga awtoridad sa Hong Kong International Airport dahil sa kakaibang bigat ng dala nitong shoulder bag at ng dumaan na ito sa inspeksyon ay doon bumulaga ang apat na pakete ng cocaine. Nahaharap ngayon sa kasong drug trafficking ang Pinay.
Wala pang pahayag ang Department of Foreign Affairs ukol dito, ngunit ito’y naganap matapos na maudlot sa firing squad si Mary Jane Veloso sa Indonesia na kung saan ito na-sintensyahan dahil sa kasong drug trafficking. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News