
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 11, 2012) – Isang lola ang nasawi matapos itong atakihin sa puso sa kasagsagan ng malaking sunog sa Zamboanga City.
Mahigit sa 60 pamilya ang inulat na nawalan ng bahay matapos lamunin ng apoy ang kanilang mga bahay sa Barangay Recodo nitong gabi ng Sabado. Isa umanong kandila ang sinasabing dahilan ng sunog, ngunit patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Bureau of Fire sa insidente.
Kinumpirma rin ng BFP na namatay ang isang matanda dahil sa atake sa puso, ngunit hindi naman kabilang ang bahay nito sa mga natupok ng apoy.
Karamihan sa mga nasunog na bahay ay gawa mula sa mga light materials o kahay at kung kaya’t mabilis na kumalat ang apoy sa naturang barangay. Karamihan sa mga nasunugan ay natulog lamang sa isang covered court doon at hanggang kahapon ay marami sa kanila ang halos hindi makapaniwala sa trahedyang naganap.
Humihingi naman ng tulong – pagkain, kumot at unan – ang mga ito upang magamit ng mga bata. (Mindanao Examiner)