KIDAPAWAN CITY – Patay ang sinasabing notoryosong kriminal matapos na manlaban sa mga otoridad sa inilatag na operasyon sa Barangay Kalaisan sa Kidapawan City sa North Cotabato province nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Dodong Catiz, na umano’y miyembro ng ‘Joel Criminal Gang’ sa Davao del Norte province at isa rin gun-for-hire, at sangkot sa drug trafficking at gun-running.
Batay sa ulat, alas-6:00 ng gabi ng mapatay ang suspek ng ilunsad ng mga otoridad ang operasyon kontra kriminalidad sa nasabing barangay. Natunugan umano ng suspek na nakabase sa Panabo City ang papalapit na mga operatiba ng pulisya at agad na pinaputukan ang mga parak, ngunit napatay naman ito sa labanan.
Naisugod pa si Catiz sa ospital ng mga rumespondeng 911 rescuer pero di-na umabot pa ng buhay.
Kabilang sa mga narekober ay ang isang .38-caliber revolver at dalawang mga bala; isang cartridge ng naturang baril at .22-caliber magnum na may apat na mga bala at .22-caliber revolver. (Rhoderick Beñez)