
MANILA – Hinahanap ngayon ng Palasyo ng Malacañang kung mayroong ‘outstanding warrant of arrest’ si Moro National Liberation Front (MNLF) Founder Nur Misuari.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, bineberipika nila ngayon kung may umiiral na arrest warrant kay Misuari matapos sabihin ng MNLF chair na balak daw siyang ipaaresto ng gobyerno.
Ani Valte, kahit na ang Department of Justice (DOJ) ay nagtatanong din sa kanila kung may katotohanan ang paratang ni Misuari na nagkukuntsabahan ang Malacañang at ang DOJ para siya ay ipaaresto.
“To my knowledge and please do not hold me to this, there are better people in government who can answer this question but we’re checking that particular piece of information kung merong outstanding (arrest warrant),” paliwanag ni Valte.
Matatandan na pinalagan ni Misuari ang pinasok na framework agreement ng gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa paglikha ng Bangsamoro entity bilang kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sinabi pa ni Misuari na 17,000 miyembro umano ng MILF ang sumanib na sa MNLF dahil ayaw nilang isurender ang kanilang armas sa gobyerno.
Tinawanan lamang ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal ang rebelasyon ni Misuari dahil nasa 11,000 lang daw ang puwersa ng MILF. (Boyet Jadulco)
Link: http://www.abante.com.ph/issue/oct2012/vismin02.htm#.UIIhicVFxuY