
SULU (Mindanao Examiner / Dec. 21, 2012) – Nabighani ng husto ang grupong Pinoy Explorer ng premyadong actor at television host na si Aga Muhlach at Direc Rowell Santiago sa kagandahan ng lalawigan ng Sulu na kung saan ay doon nag-shoot ang mga ito para sa isang special episode ng tanyag na programa ng TV5.
Mismong si Gov. Sakur Tan at Mayor Kabir Hayudini ang nanguna sa daan-daang mga Tausug na siyang nag welcome sa grupo ni Aga.
Sa sobrang tuwa ni Aga sa maiinit na pagtanggap sa kanya ay gumamit pa ito ng tradisyonal at makulay na kasuotan ng mga Tausug sa Sulu.
Dinala ni Gov. Tan ang grupo ng Pinoy Explorer sa ibat-bang bahagi ng bayan ng Patikul at kalapit na lugar upang maipakita kina Aga at Direc Rowell ang kagandahan ng lalawigan.
Maging ang mga beaches sa Sulu ay maihahalintulad umano sa pangunahing beach hindi lamang sa bansa, ngunit maging sa ibang lugar.
Sinabi naman ni Barangay Chairman Ghambrazer Hayudini na nasiyahan ng husto sng grupo ni Aga sa kanilang pagbisita sa Sulu at nag-iwan pa umano ito ng mensahe sa mga Tausug na muling babalik sa lalawigan.
“Pumunta ang grupo nina Aga sa Patikul para sa isang taping ng kanyang show, yun Pinoy Explorer,” ani Hayudini sa pahayagang Mindanao Examiner.
Ipinag-handa naman ni Gov. Tan ng curacha, isang uri ng crabs; at lobster, at iba pang mga tradisyunal na pagkain ang Pinoy Explorer team.
“Natutuwa kami sa ganda ng pagtanggap sa amin sa isa sa pinakamagandang bahagi ng Pilipinas – sa Sulu…sa Patikul,” ani Aga.
Maging si Direc Rowell ay halos all-praises sa mga Muslim at ang kanilang hospitality sa Pinoy Explorer team. Hindi naman sinabi ni Direc Rowell kung kalian ipapalabas ang special episode, ngunit sa tuwing Linggo mapapanood ang Pinoy Explorer. (Mindanao Examiner)