
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / May 13, 2012) – Tuluyan ng ipinagbawal ng Davao ang paggamit ng mga non-biodegradable polystyrene foam bilang susudlan ng mga pagkain upang mabawasan ang pulusyon sa naturang lungsod.
Magsisimula ang ban sa Hunyo 28 at bahagi ito ng Davao City Ecological Waste Management. Pinuri naman ng Department of Environment and Natural Resources ang lokal na pamahalaan sa pagbabawal nito ng mga polystyrene foam.
Karamihan sa mga foam ay naging sanhi ng mga pagbabara sa mga canal at iba pang lagusan na ang bagsak ay sa karagatan at ilog. Ilang beses na rin tinamaan ng malalaking baha ang Davao sa tuwing may bagyo at kalimitan ay barado ang mga lagusan patungo sa dagat.
Sinabi ng DENR na dapat pamarisan ng ibang lungsod o lalawigan ang ipinatutupad na ordinansa at programang-pangkalikasan ng Davao upang makatulong sa pagko-control ng polusyon hindi lamang sa Mindanao, ngunit maging sa buong bansa. (Mindanao Examiner)