
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Apr. 22, 2014) – Sugatan ang isang parak matapos itong masaksak ng isang lalaking nagwala sa loob ng Gateway Mall sa Zamboanga City.
Nabaril rin ng isa pang parak ang nag-amok na si Ronnie Dagodog, 23, na residente ng Barangay Galingon sa bayan ng Tampilisan. Nabatid sa pulisya na naganap ang kaguluhan dakong alas 5.40 ng hapon ng Lunes matapos na makakuha ng kitchen knife ang lalaki sa 4th floor ng mall at bigla na lamang itong nagwala.
Agad rumesponde sina SPO2 Francisco Enot, ng Traffic Section ng Police Station 11, kasama si Senior Insp. Jade Mandi. Tinangka umano ni Enot na disarmahan ang lalaki, ngunit nasaksak naman ito sa kanyang mukha at balikat at ditto na pinutukan ni Mandi ang kelot upang maisalba ang buhay ng kasamang parak.
Agad rin dinala sa hiwalay na pagamutan ang dalawang sugatan. Hindi pa mabatid ng pulisya kung ano ang dahilan kung bakit biglang nag-amok ang lalaki. (Mindanao Examiner)