
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / May 20, 2012) – Nagbabala ngayon ang pulisya sa publiko ukol sa mga umano’y pangako ng trabaho sa ibang lugar matapos na mapigil ng mga awtoridad dito ang pagpupuslit ng halos 50 katao patungong Maynila.
Nabawi ng pulisya ang mga biktima sa Medio Hotel na umano’y galing pa ng Basilan province at pinangakuan ng ibat-ibang trabaho ng kanilang recruiter na nakilalang si Kaiser Sali, 25.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad kamakalawa ukol sa malaking grupo ng mga hinihinalang biktima ng human trafficking sa naturang hotel sa Zamboanga kung kaya’t agad itong ni-respondehan at napigil ang kanilang pag-alis patungong Maynila.
Pinangakuan umano ang mga biktima ng trabaho bilang mga health workers, guro at empleyado sa Senado at scholarship grants pa mula sa National Youth Commission.
Nabatid pang Mayo 13 ay nasa Zamboanga na umano ang mga na-recruit, ngunit hindi naman sinabi ng mga biktima kung sila ay nagbayad ng salapi kapalit ng pangakong trabaho.
Kakasuhan naman si Sali ng paglabag sa batas ukol sa human trafficking. (Mindanao Examiner)