KIDAPAWAN CITY (Mindanao Examiner / Dec. 27, 2011) – Nabalot sa takot ang mga residente ng Surigao del Norte at Agusan del Sur matapos na umapaw ang mga ilog doon sanhi ng malakas na buhos ng ulan at malubog sa baha ang malaking bahagi ng dalawang lalawigan sa Mindanao.
Umabot umano sa hanggang baywang ang baha at ilang mga kalsada ang hindi madaanan. Hindi naman agad mabatid kung may casualties sa panibagong flash flood sa dalawang lalawigan na kung saan ay talamak ang illegal logging.
Kinumpirma naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang flash flood sa Surigao at Agusan at ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos patuloy na inaalam ng ahensya ang sitwasyon doon.
Mahigit sa 1,000 katao ang nagsilikas sa mga evacuation centers dahil sa baha.
Tigib sa takot ang mga residente sa dalawang lalawigan dahil sa naganap na flash flood sanhi ng bagyong ‘Sendong’ sa lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan nitong buwan lamang at mahigit sa 1,000 katao ang nasawi doon.
Nilindol rin kaninang umaga ang lalawigan ng Surigao del Sur at ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology ay nasa 5.1 sa Richter scale ang lakas ng pagyanig.
Natumbok naman ng ahensya ang sentro ng lindol sa bayan ng Tandag at halos 40 kilometro ang lalim sa lupa ng ugat nito. Walang inulat na nasaktan o pinsala sa mga kabahayan ang nasabing lindol.
Naramdaman rin ang pagyanig sa bayan ng Socorro sa Surigao del Norte. (Mindanao Examiner)