KIDAPAWAN CITY – Patuloy ngayon ang clearing operations na ginagawa ng tropa ng 39th Infantry Battalion laban sa mga New People’s Army o NPA sa liblib at mabundok na bahagi ng Sitio New Alemodian ng Barangay Banayal, Tulunan, North Cotabato.
Ito ayon kay Lt. Col. Rhojun Rosales ang Commanding Officer ng 39th Infantry Battalion makaraang maka-engkwentro ng kanyang mga tauhan ang hindi bababa sa 30 bilang mga mga NPA at ilang mga Unit militia ng kilusan sa ilalim ng Committee Front 72 na pinamumunuan nina Dave Verano alias Kumander Borjack at Eusebio Cranzo alias Kumander Brix.
Nagtipon umano ang mga rebeldeng grupo upang magpakuha ng larawan para ipakita na malakas pa rin ang kanilang impluwensiya dahil sa mga nadagdag na militia ng bayan.
Mga artillery na ginagamit ng 39th Infantry Battalion laban sa mga rebeldeng grupo sa Barangay Banayal, Tulunan, North Cotabato. (Kuha ni Mark Anthony Tayco)
Sinabi pa ni Rosales na nag-martsa ang mga armadong rebelde at nagsagawa ng dalawa o tatlong beses na seremonya ng kasal sa kanilang mga sakop. Dagdag pa ng opisyal na bukod sa nabanggit ay layun ng kanilang pagpupulong ay upang planuhin din sana ang paglusob sa mga kampo ng sundalo.
Nakatanggap ng sumbong ang militar hinggil sa presensya ng NPA kaya’t nagsagawa ng opensiba ang mga sundalo na nagresulta sa bakbakan nitong Lunes ng umaga. Nagpalipad ng attack helicopter at nagpaputok ng 105mm Howitzer ang militar bilang suporta sa kanilang tropa sa ground.
Wala namang may naiulat na nasawi o nasaktan sa hanay ng pamahalaan. May mga sugatan naman sa panig ng kalaban pero di pa makumpirma kung may mga namatay.
Ang bakbakan ay nagdulot naman ng takot sa mga estudyante ng Sitio New Alemodian Elementary School. Papalabas na noon sa klase ang mga estudyante ng makarinig sila ng malalakas na pagsabog kaya’t nagsitakbuhan ang mga magulang para kunin ang kanilang mga anak.
Samantala, nagkawatak watak na umano ang grupo ni Alyas Bordyak pero ayon kay Rosales ay hindi aniya titigil ang kanilang hanay para mapuksa ang kanilang grupo na nag-o-operate sa mga hangganan ng Tulunan at Makilala sa North Cotabato at Magsaysay sa Davao del sur. (Rhoderick Beñez at Mark Anthony Tayco)