
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / May 16, 2012) – Blanko pa rin ang kapulisan sa isinasagawa nitong imbestigasyon sa pagkakapaslang sa isang barangay chairman na tutol sa illegal mining activities sa kanyang lugar sa bayan ng Nabunturan sa Compostela Valley province sa Mindanao.
Pinagbabaril ng mga armado si Frederick Trangia, 60, sa kanyang lugar sa Barangay Mainit na kung saan ay talamak ang illegal gold mining activities doon.
Hindi pa mabatid kung sino ang nasa likod ng pagpatay kay Trangia, ngunit sinisipat naman ng mga awtoridad na ang pagtutol ng biktima sa illegal mining ang posibleng motibo sa pagkakapatay sa kanya.
Pauwi na ito mula sa kanilang patrulya sa barangay ng tambangan. Walang umako sa krimen, subalit matagal na umanong may natatanggap na pagbabanta sa kanyang buhay si Trangia.
Ipinaglalaban ni Trangia ang protected area sa naturang barangay na pinapasok ng mga small scale miners. (Mindanao Examiner)