NORTH COTABATO – Umakyat na sa 10 katao ang nasawi habang 5 ang malubhang nasugatan matapos na magsalpukan ang isang pampasaherong jeep at van kahapon sa kahabaan ng highway ng Barangay Batomelong sa General Santos City.
Nakilala ang mga nasawing sakay ng van na sina Estrella Entero, 6 buwan; Zyrex Entero, 1 taon; Rosario Labandia Calmorin, 60, Maria Labandia Entero, 64, AdelandiaLabandia Calmorin, Melanie Entero Decenorio, 33; Ricardo Decenorio Entero Jr. 3 taon; Ricardo Calmorin, 63; at Aisa Mae Entero, 31.
Habang ang mga sakay naman ng jeep na nasawi ay nakilalang sina Dominador Calob, 70; at Eduardo Celodonia Roque, 52; na pawang mula sa bayan ng Santa Cruz sa Davao del Sur. Samantala, nasa pagamutan pa rin at patuloy na nilalapatan ng lunas sina Aisa Mae Entero, 31; Ivan Carl Entero, Rica Entero, Sandra Entero at James Amarille Entero, na driver ng van.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ng jeep na si Dexter Villarin na unang napaulat na nasawi. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-3:45 ng hapon ay bumabaybay ang pampasaherong jeep patungo sa Santa Cruz habang ang pampasaherong van ay galing sa South Cotabato patungo sa Malandag.
Pagsapit sa bisinidad ng Batomelong ay sumabog ang unahang gulong ng van dahilan para ito ay mawalan ang driver sa kontrol sa manibela at nagpunta sa kabilang direksyon na kung saan ay nasalpok ang paparating na pampasaherong jeep. Sa lakas nang pagkasalpok ay agad namatay ang tatlong pasahero ng jeep habang ang ibang nasawi ay hindi na umabot ng pagamutan. (Rhoderick Beñez)